img_8909a.jpg

Ilan taon na ba tayo magkakilala? 8 years o 9 na? Ang tagal na rin ano? Biruin mo nga naman, nakatagal ka ng ganyan sa isang taong tulad ko na maloko, tarantado, malandi at punong-puno ng kabadtripan sa puso at isipan. Paano mo nagawa yun? Paano mo natiis ang mga kalokohan at kabulastugan na pinaggagawa ko dati? Paano mo inihanda ang sarili mo na makasama ang isang tulad ko habambuhay?

Yan siguro ang tinatawag na ‘genuine love’ ano? Sabagay, noong gf pa lang naman kita alam ko na kung gaano mo ako kamahal. Gusto kong isipin na kahit paano eh naipakita ko naman sayo dati na mahal din kita, pero kung sa tingin mo kulang pa yun, hayaan mo.. Babawi ako, at ipapakita sayo na ikaw lang ang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Pero sabagay, noong nagpalitan tayo ng ‘OO’ sa simbahan, sinabi ko na naman sayo yan di ba? At kahit na paminsan-minsan nag-aaway tayo, lagi mo naman nararamdaman na mahal kita di ba?

At bakit naman hindi? Eh halos pitasin ko na ang lahat ng bulaklak sa hardin ng kapitbahay at ibigay sayo na may kasama pang harana at sayaw, mapangiti ka lang. Siguro tanda mo pa yung minsan na nagkabadtripan tayo, umalis akong padabog ng bahay at pagkatapos ng ilang oras, bumalik ng lasing at nagsisisigaw ng “Nasan ka babae?!!! Lumabas ka dyan!” habang tinatadyakan ang pinto? Nagulat ka noon at medyo kinabahan ng makita ang mukha kong galit na galit at sumusugod papunta sayo. Akala mo noon sasaktan kita. Lalo kang natakot ng nakita mong ang mga kamay ko ay nasa likod na parang may tinatagong dos por dos, o kaya itak. Pero natawa ka ng bigla kong inalis ang aking mga kamay sa aking likuran, at sumigaw ng “ETO SAYOOO!!!!!!!!!!!!!” Sabay abot ng isang supot ng pansit canton na may kasama pang kalamansi at toyo. Ang sweet ko di ba?

Yan ata nagustuhan mo saken eh. Yung pagiging patawa ko at mahilig sa pakulo. Pero ang gusto ko naman sayo, yung tawa mong walang katulad. At ng mga ngiti mo, nakakatunaw ng bakal na puso. Nakakapagpalambot ng damdaming bato. Nakakapagpatigas ng.. uhmm.. ng ano. Ah basta, mahal kita dahil napapaligaya napapangiti mo ako palagi.

Kaarawan mo na naman. Malayo na naman ako sayo. Pang-ilan na birthday mo na ito na magkahiwalay tayo. Wala ka na naman ka-date. Pero ok lang yan my lab, madami ka naman pera dahil bukod sa bagong sweldo ka, naipadala ko na rin ang buong sweldo ko sayo. Saan ka pa??! Mag-celebrate ka na lang kasama si Aila. Kung ayaw mong mag-treat sa Manila Hotel, kahit sa Hyatt na lang basta mairaos lang ang birthday mo. Pagpasensyahan mo na ang munti kong nakayanan. Oo, sorry talaga. Dahil kung nadyan ako hindi lang sa hotel ang celebration mo. Paalisin ko lahat ng tao sa Boracay at doon tayo maghahabulan mula station 1 hanggang station 3 na hubo’t-hubad habang nagbabatuhan ng cake, wraaaaaaaaaar!!!

Magkalayo man tayo, at hindi ko man maiabot sayo ng personal ang isa pang regalo ko, meron naman akong isang bagay na pinag-aralan, pinagpaguran at pinagpuyatan para mapangiti ka lang. Simpleng bagay lang, pero kung titignan mong maigi at kikilatisin ng maayos, masasabi mo sa sarili mo na “Syett! Ang sweet ng asawa ko! Punong-puno ng pagmamahal!”

Eto na sya, simpleng litrato…

img_8940a.jpg

Na may kasamang dedication..

mrsazrael2.jpg

at syempre ang kanta ko para sayo
Favorite song at favorite movie naten hehe
Yun lang. Tapos na. Pero ang pagmamahal ko sayo, hinding-hindi matatapos! Pero out nako, dahil nilalanggam na ako dito!

Possibly Related Posts:



A Z R A E L :  Husband. Father. Son. Expat. DJ. Storyteller. Amateur Photographer. Vermin Exterminator. Bounty Hunter. Asskicker. Pornstar. Hustler. Professional Bullshitter.


Like this post? Subscribe to my RSS feed and get loads more!