Kanina, tatlong beses ako muntik ng mamaalam sa mundo ng di oras. Malas ako ngayong linggong ito pagdating sa fieldwork. Kung dati ay natatapos ko ng sandaling oras lang ang isang site, ngayon inaabot ako ng syam-syam dahil sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari. Ang buong akala ko, babae lang ang lumalapit saken, yun pala, pati aksidente, disgrasya at kung anu-ano pang kagagawan ni satanas eh parang gusto na ring matikman ang mura kong katawan. Tulad sa pag-iwas sa kalandian at pambababae, buti na lang medyo alerto pa rin ako at nakukuha ko pang iligtas ang aking sarili sa tiyak na kapahamakan.

Nagsimula ang kamalasan bandang alas-siyete ng umaga. Inaayos ko ang aking instrumento at abala sa pagkalikot ng mga kable at kagamitan ng bigla na lang akong napatunganga, napasindi ng yosi, at biglang nag-isip ng malalim. Premonitons? Hmmmm.. Akmang pahakbang ako patalikod, bigla na lang sumigaw ang isang helper ko ng “SNEK! SNEK! SNEK!”. Napatingin na lang ako sabay pasigaw ng “What?!!”. “SNEK! SNEK! DER IS SNEK AT YOR BACKSIDE!” ang sabi nya. Tadong yun, hindi ko naintindihan kaya sinigawan ko ulit, “What backside? Back? Or side? And what is there you idiot?!” Eh ano ba kasi sinasabi nun na backside? likurang-tabi? Meron ba nun??? At ano ang snek??? Huli na ng ma-realize ko na nakaapak pala ako ng isang medyo may kahabaang ahas, mga walong pulgada. Mahaba na saken yan kaya wag kayong magulo dahil kwento ko to. Pang-anim na beses ko ng makakita ng ahas kanina. Pangatlong beses ko na ring maka-apak ng bwakanasyett na animal na yan. Naiinis ako dahil sa sobrang lawak naman ng lupain dito, bakit lagi na lang akong nakaka-engkwentro ng pinaka-nakakatakot na hayop na ginawa ni Lord. Alam ng karamihan kung gaano ako katakot sa ahas.

At ano ang ginawa ko pagkatapos ng pagkaka-apak ko? Eh di natural tumakbo! Tumakbo ako palayo, sa sobrang bilis nadapa ako ampft! Gasgas ang siko ko at sumubsob ako sa lupa. Nalasaan ko ang buhangin, hindi sya masarap, pero mukhang maganda syang panglinis ng ngipin.

Biglang may pamilyar na ingay akong narinig sa paligid. Ingay ng nag-gagalawang halaman na parang may isang malaking kamay na humahawi. Eksaktong pagtayo ko, sumigaw na naman ang helper ko, na napansin kong may trenta metro ang layo sa nya akin at nasa unahan ko. Tumakbo din sya dahil sa ahas? At mas mabilis pa ang mokong. Isa syang duwag!

“DAGS! DAGS! DAGS!!!!”, ang sigaw nya. At hindi ko na naman naintindihan, at syempre sinigawan ko sya pabalik, “What?? What dags? I can’t understand what you’re saying idiot!”. Biglang lumakas ang ingay sa paligid. Pagtingin ko sa aking likuran, merong grupo ng mga asong ligaw na singlaki ng kalabaw ang tumatakbo papunta sa amin. Nakakatakot ang itsura, kung alam nyo ang itsura ng isang asong ulol, mas matindi ang mga ito. Parang naglasing ng tatlong sunod sunod na araw, nawalan ng ulirat, nakatulog sa sariling suka at ng nagising, nakitang niyayari ng iba ang kanyang asawa doggy-style. Teka, taong naulol pala yun. Basta, parang ganun itsura nila.

At natural, karipas na naman ako ng takbo. Pero sinigurado kong nasa unahan na ako ng takbuhan ngayon, dahil sa hinila ko ang damit ng helper ko at pinatid ang kanyang mga paa para saya naman ang madapa. Hindi pa ako handang malapa ng mga asong ligaw. Kung kasalanan man na ipain ko ang aking kasamahan sa mga asong yun, para mailigtas ko ang aking sarili, sorry po Lord. Hindi naman naniniwala sa inyo yung mga ‘pana’ na yun, at ako ay isang kristyano na nagsisimba tuwing pasko at bertdey ko, kaya mas kampihan nyo ako please.

Habang abala ang kasamahan ko kadadakot ng buhangin at pagtapon nito sa mga aso, at ako naman eh nasa itaas ng puno, nagpipipindot ng celfone, at nagte-text kay misis azrael ng huling bilin bago man lang ako mamatay, nakarinig ako ng dalawang putok ng baril na magkasunod. Sa di kalayuan, may isang Omani ang nakita kong palapit sa amin, na may nakasampay na ‘rifle’ sa kanyang balikat. Binabaril na yata kami ampft!! Eto na yata tlaga ang katapusan ko!

Unti-unting nag-flash back sa aking isipan ang aking mga maliligayang sandali noong bata pa ako. Kasabay nyan ang isang katanungan na tipikal na naiisip ng isang taong tulad ko na malapit ng mamatay;

“Anong kinabukasan ang maghihintay sa mga babae mahal ko sa buhay?”

Naisip ko, kung hindi man ito ang huling araw ko sa mundo, siguradong huhulihin naman ako ng pulis at makukulong dahil pumasok ako sa isang private property na pag-aari ng isang royalty. Biruin mo nga naman ano, nagsimula sa pagtakbo dahil sa ahas, pagkadapa, at pagtakbo dahil sa mga asong ligaw, at sa sobrang haba pala ng biniyahe ng mga paa kong mabilis, eh na-trespassing pa ako ng lagay na yun.

Nakahinga na lang ako ng maluwag ng nakita kong nag-uusap ang helper kong nagbilang ng buhangin at yung Omani na may hawak na baril. Nagpaputok pala sya para takutin yung mga aso, at mali ang akala kong mga ligaw na aso yun. Alaga pala ng mga gwardiya ng property na aksidente naming napasok. Haaay buti na lang. Ligtas ako Lord, tenkyu! Ngayon ko napatunayan na mahal mo nga ako!

Inayos ko ang aking sarili at pinaghandaan ang pagbaba ng puno, at syempre pa, nakuha na naman akong biruin ni Lord kaya ayun, nahulog naman ako at gasgas ang kanang palad (bat naman kanan pa? pano na ang ano? huhuhuhu). Nakakabingi ang tawa ng mga taong nasa paligid na bukod sa ampapanget ng itsura, eh mga amoy basura pa. Parang gusto kong kaibiganin yung Omani at hiramin ang rifle nya, at pagkatapos ay pagbabarilin ko sila. Pinilit kong itago ang inis ko at dinaan ko na lang sa mura na tagalog dahil hindi naman nila maiintindihan ang sinasabi ko.

“Mga ungas! Tawa kayo ng tawa! Akala nyo lampa ako??! Sinadya ko yan dahil kung hindi ako tumakbo, nadapa, nahulog sa puno at nagkalasog lasog ang katawan, eh di wala akong maiba-blog ngayon!”

Possibly Related Posts:



A Z R A E L :  Husband. Father. Son. Expat. DJ. Storyteller. Amateur Photographer. Vermin Exterminator. Bounty Hunter. Asskicker. Pornstar. Hustler. Professional Bullshitter.


Like this post? Subscribe to my RSS feed and get loads more!