Pre,

May mahigit isang taon ka na rin pala nagtatrabaho dito sa Oman. Kamusta na ang trabaho? Balita ko malaki-laki na raw ang naiipon mo. Ok ka na ba dyan sa trabaho mo?

Sandali. I’m not here to ask how you’re coping. Nandito ako para balikan ang nakaraan at ipaalala sayo ang ilang importanteng kaganapan sa buhay mo. I’m here to make sure your feet are firmly planted on the ground.

Natatandaan mo pa ba ang araw-araw nating inuman noon sa pinas kung saan sa bawa’t tungga mo ng alak, kasabay ang reklamo sa buhay na kesyo nahihirapan ka na sa trabaho at kailangan mo ng mangibang-bansa? Noon una hindi kita pinapansin dahil ang akala ko, sadyang reklamador ka lang talaga kapag nalalasing, pero ng minsang dumaan ka sa bahay at nakipag-usap ng masisinsinan sa harap ng tatay, nanay, at asawa ko, doon ko naintindihan ang lahat na totoo palang nahihirapan ka na at ang iyong pamilya.

Nang inilabas mo ang nakatiklop na litrato ng anak mo galing sa wallet at nagsimulang mamungay ang iyong mga mata, hindi ko na pinatagal ang diskusyon at ipinangako kong hahanapan kita ng trabaho dito. Hindi ako naawa sayo pre, nakornihan ako sayo. Naawa ako sa anak mo dahil ang buong akala nya ang tatay nya nagtatrabaho ng matino sa maynila, yun pala puro inom at babae lang ang inaatupag at kapag wala ng pera, kakatok sa bahay ng kaibigan at doon magda-drama.

Sa madaling salita, naisip ko noon na kung sakaling matutulungan kita na mahanapan ng trabaho dito, malalayo ka na sa bisyo at sa mga walang kwentang barkada mo at magtitino na.

Gumawa ako ng paraan at kinausap ang ilang kakilala dito, pati mga kilala ni erpat kinausap ko rin. Sa loob ng tatlong buwan na paghihintay, tinawagan kita para ipaalam na tanggap ka sa trabaho at hinihintay ka na ng iyong bagong kumpanya.

Hindi naman sa nanunumbat pre.. Pero alam mo ba na ikaw lang ang kilala kong nakapagtrabaho dito na hindi man lang dumaan sa gobyerno, POEA, agency, medical tests, at kung anu-ano pa? Ni singkong duling hindi ka gumastos. Dumating na lang sa bahay mo ang fedex na naglalaman ng iyong visa, na sya nga pala ako ang nagbayad at hanggang ngayon eh hindi mo pa binabayaran. Ultimo ang plane ticket mo, si Misis Azrael pa ang dumiskarte at lumakad. At ang nanay ko pa ang mismong naghatid sa bahay mo. At wag nating kalimutan ang rekomendasyon ni erpat na naging dahilan para mapabilis ang proseso ng iyong mga papeles.

Dumating ka dito sa Oman, saan ka tumuloy? Sa bahay ko. Itinuring mong sariling bahay mo ang condo ko kahit na hindi pa kita binibigyan ng permiso. Ang akala ko, mga dalawa o tatlong araw ka lang maglalagi dito noon. Inabot ng mahigit dalawang linggo naknangteteng ka. At sa loob ng mahigit dalawang linggo na yan, ang pagkain kong naka-stock sa ref eh parang dinaanan ng bagyo sa lakas mong lumamon.

Idagdag pa natin dyan ang araw-araw kong pagpasyal sayo dito. Naiintindihan ko na bagong salta ka lang, wala pang kakilala, at walang gaanong pera, pero tama ba naman na sa tuwing lalabas tayo eh sa mamahaling resto ka magyayaya at matapos kumain eh putangina ako din pala ang pagbabayarin mo?? Yayayain mo akong uminom, pupunta tayo da bilihan ng alak, ikaw ang mamimili ng klase ng inumin, pagdating sa counter leche sagot ko na naman. Pati pangyosi mo, ako rin ang sumasagot.

Kilala mo ako na malinis sa bahay. Gusto ko laging mabango ang kwarto at nakaayos ang kagamitan. Dismayado ako noon sayo dahil sa tuwing uuwi ako ng bahay galing trabaho, aabutan kitang naninigarilyo habang nanonood ng tv na nakataas pa ang mga paa sa lamesita. Ang dami kong ashtray sa bahay, pero putragis ka, tama ba naman gawin mong ashtray ang carpet ko? At oo nga pala pre, sa tuwing pagbukas ko ng pinto papasok ng bahay, laging maasim na amoy ang sumasalubong sa akin. Ambaho ng paa mo animal ka.

Kasalanan ko rin. Ugali ko kasi yan. Bihira ako tumulong pero kapag tumulong ako, todo. Pero pre, sana hindi mo inabuso noon ang pagtulong ko. Kita mo ngayon, sinusumbat ko sayong lahat. Hindi mo maaalis na sumbatan kita. Lalo na kung hindi lang ako ang inabuso mo. Pati ang tatay at nanay kong nagbakasyon dito kamakailan lang, hindi mo man lang pinakitaan ng maganda. Medyo nagmataas ka pa raw ata. Nagtagpo ang landas nyo sa isang lugar dito, at hindi mo man lang nakuhang ipakilala sa mga kasama mong jologs ang tatay at nanay ko? Swerte mo pre, hindi ako kasama ni erpat at ermat noon dahil kung nagkataon, pagbabatukan ko kayong lahat ng mga kasama mong puno ng ginto sa katawan na kung umasta eh akala mong pagkalaki-laki ng mga sweldo, pwe!

Ok ka rin ano? Alam mo ba na kung hindi ako kinumbinsi ng nanay ko, hindi ko naman talaga seseryosohin ang problema mo noon sa pinas? Pakialam ko kung magutom ka. Pakialam ko kung hiwalayan ka ng asawa mo. Kung hindi lang sinabi ng nanay ko na, “anak, tulungan mo na. Kawawa yung anak ng kaibigan mo sa probinsya..”, hindi ka makakarating dito damuho ka.

Pero tapos na yan. Nangyari na eh. Nandyan na yan at wala na akong magagawa. Ipinakita ko sayo na kung usapang pagkakaibigan din lang, hindi ka mapapahiya kapag sinubukan mo ako. Ginawa ko ang lahat sa aking makakaya para matulungan kang bigyan ng mabuting buhay ang naiwan mong pamilya sa pinas. Masarap ang pakiramdam ko sa pagtulog sa gabi kapag naiisip na kumakain ng tatlong beses at iyong asawa’t anak sa isang araw at nabibili nila ang gusto nila dahil lahat naman tayong nagpapakahirap dito sa ibang bansa, eh yan ang mithiin.

Ilang buwan ka na rin hindi man lang nagpaparamdam. Walang tawag, walang text. Sana busy ka lang. Dahil kung ang tunay na dahilan nyan eh nagiging mataas na ang ere mo, at gusto mo na akong yabangan, mag-isip isip ka muna bago ka gumawa ng hakbang.

Naipon ang galit ko sayo pre. Kapag naaalala ko ang pangako mong regalo sa anak ko, parang gusto kitang tawagan araw-araw at itanong kung nasan na. Buti na lang pala inalis kita sa listahan ng ninong noong binyagan ni Aila. Ayokong magkaron sya ng ninong na kuripot.

Kapag naaalala ko ang pangungulit mo kay Misis Azrael sa ticket mo noon, parang gusto kong pabayaran sayo ang mga nagastos nya sa pagpunta sa airline ticketing office.

Kapag naalala ko ang pag-dedma mo sa nanay at tatay ko, parang gusto ko silang utusan na ibigay ang address mo dito doon sa taong tinakbuhan mo ng pera sa pinas.

Wag mo akong pagmamalakihan pre. Kung sakaling magtagpo ang ating landas sa kalye, wag na wag mo akong dededmahin tulad ng ginawa mo sa mga magulang ko dahil kapag ginawa mo yan, sasapakin kita.

Wag mong kalilimutan na kaya ka nandito sa disyerto at nagpapakahirap, ay dahil sa mayroon kang binitawang pangako sa asawa at anak mo na kailangan mong tuparin.

MAGTINO KA NA!

P.S: While I was driving earlier, I saw you walking on the opposite side of the road at CBD. May ka-holding hands ka na bebot.

AT BILANG ISANG TUNAY NA KAIBIGAN, OBLIGASYON KO NA SABIHIN YAN SA ASAWA MO. GOODLUCK SA ALIBI PRE.

uhhh ohhh… OWNAGE!!!!

Possibly Related Posts:



A Z R A E L :  Husband. Father. Son. Expat. DJ. Storyteller. Amateur Photographer. Vermin Exterminator. Bounty Hunter. Asskicker. Pornstar. Hustler. Professional Bullshitter.


Like this post? Subscribe to my RSS feed and get loads more!