Babaero ako noong binata. Sabi ng iba hanggang ngayon eh ganun pa rin daw. Babaero pa rin daw ako. At gusto kong sabihin sa mga nagsasabi nyan, Pakyu! :lol2:

Kulang ang mga daliri sa kamay at paa kung bibilangin ang mga babaeng dumaan sa buhay ko. Hindi ko pinagyayabang yan dahil sa isang banda, kasiraan yan sa pagkatao ko. Dahil pwedeng ang ibig sabihin nyan, hindi ako ang tipo ng lalaki na nagse-seryoso kaya mabilis akong magpalit ng GF at kumawala sa isang relasyon. Pwede rin naman na hindi nagtatagal sa akin ang isang babae dahil sa hindi masakyan ang ugali ko na nauuwi sa maagang pagtatapos ng aming samahan. :/

Kahit na naging ganyan ako noon, masasabi ko pa rin na marunong akong magmahal. Pagmamahal na nasuklian ng mas higit pa dyan ng ilang babae na hinding hindi ko malilimutan. Sa mahigit kwarenta na babae na dumaan sa buhay ko, apat na pangalan lang ang pwede kong sabihin na totoong nagbigay kulay sa mundo ko. Syempre kasama dyan si Mrs. Azrael dahil sya ang asawa ko at ang pinakamahal ko sa lahat. Pero hindi sya ang bida sa kwento kong ito dahil sa dalawang importanteng dahilan. Una, wala pa sya sa buhay ko noon at  hindi nya kilala ang babaeng tinutukoy ko. At pangalawa, hindi pa rin kami nagkikibuan hanggang ngayon kaya asa pa syang maging bida. Kontrabida oo! :meh:

Ang entry nato ay tungkol kay Iza. Ang unang babae na nagpaiyak sa akin na parang bata na inagawan ng laruan. Ang pangalawang babae na minahal ko sa buong buhay ko. Ang huling babaeng pinangakuan ko ng isang bagay, pero sa kasamaang palad, hanggang ngayon hindi ko pa natutupad :worry:

———————————————————————————————————————-

Maganda si Iza. Tisay. Matangos ang ilong. Makinis ang kutis. Maalindog ang hubog ng katawan. Artistahin ang dating. Kung kilala nyo si Amy Perez, kamukha nya yun noong nagsisimula pa lang si Amy sa industriya.

Mabait si Iza. Supladang tignan pero bungisngis kapag nakahulihan mo na ng loob. Isa syang propesyonal at nagtapos sa pinaka-astig na unibersidad sa buong mundo, UST! Syempre dyan din ako galing kaya shut up ur face.

Sa madaling salita, jackpot ang sinumang lalaki na magiging boypren ni Iza dahil sa tinataglay nyang gandang panloob at panlabas. Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, ni minsan hindi ko itinuring na nanalo ako sa lotto dahil naging gerlpren ko sya. Ang pakiramdam ko, wala lang. ok lang. Hindi ako lugi sa kanya kaya ayos lang lolololols. :B

Nagkakilala kami ni Iza sa trabaho. Bagong salta ang beauty nya sa opisinang pinagtatrabahuhan ko, at dahil sa babaero  (kuno) nga ako noon, ako ang unang pumorma sa babaeng ito. Hindi nagtagal, naging malapit ang loob namin sa isa’t isa dahil sa maraming bagay:

Pareho kami ng eskuwelahan na pinanggalingan.

Pareho kami ng departamento sa opisina.

Pareho kaming nagyoyosi, umiinom at nagma-marijuana lololols

Pareho kaming mahilig sa musika, lalo na New Wave.

Pareho kaming magaling magsayaw, at sa tuwing gigimik ang barkada sa disco (oo, disco pa noon at hindi club ang tawag), lagi kaming nagsasayaw sa ledge nyahahahaha!

Pareho kaming insomniac, at lagi kaming magkausap sa telepono hanggang madaling araw.

Pareho kaming nagtataglay ng magandang boses at magaling kumanta, pero walang hilig sa karaoke.

At ang pinaka-importanteng pinagkapareho namin…

Pareho kaming galing sa isang mala-impyernong relasyon, at sabay kaming bumabangon pa lang…

Naging lakas namin ang isa’t-isa at dahil sa aming pinagdaanan. Hindi naging mahirap para sa amin ang buksan ang puso at damdamin sa mga bagay-bagay na hindi kayang intindihin ng pangkaraniwang tao. Namulat ang aming mga mata sa saya na dulot ng isang makulay ng buhay na hindi namin inaakalang posible pa dahil na nga sa aming mapait na nakaraan.

Sa loob ng mahigit dalawang taon na seryosong relasyon namin ni Iza, napag-desisiyunan namin na oras na para lumagay sa tahimik. Bakit naman hinde? Pareho kaming may stable na trabaho. May ipon na kahit paano. Pwede ng magsimula ng isang pamilya. Pwede ng harapin ang hamon ng buhay na may kumpiyansa dahil alam namin na kapit-kamay kaming haharap sa kahit ano mang problemang kumatok sa aming pintuan, at lalampasan namin ito na taas ang noo at may ngiti sa aming mukha.

Ako ang unang nagsabi sa bahay. Tinanggap ni ermat ang aking desisyon. Nagsimula kaming pagplanuhan ang lahat pero may isang importanteng bagay pa ang kailangang gawin..

———————————————————————————————————————-

Kinakailangan na pansamantalang umalis ng pinas si Iza at magpunta sa Amerika. Nandoon ang kanyang mga kamag-anak at minarapat nyang sabihin ng harapan sa kanyang nanay at tatay ang aming balak na pagpapakasal. Naalala ko pa ang paghatid ko kay Iza sa airport. Hindi inaakalang yung na pala ang simula ng muling pagka-gunaw ng mundo ko.

Tatlong araw ang nakalipas. Isang tawag ang natanggap ko galing sa Amerika. Tawag galing sa nakakatandang kapatid na babae ni Iza.

Ang unang hirit ko, “Uy! Ate Bea! Kamusta? Bakit ka napatawag? How’s everyone there?”

Garalgal ang boses nya.. “Rob, wag ka magugulat. Hindi ako dapat tatawag sayo but I feel you deserve to know. My ‘lil sister loved you so much. She told everyone in the family about your wedding plans. ‘Twas the first time we saw her smile that way. She was very happy….”

“Was??? Ate wait. Was? Bakit past tense ang salita mo? Where’s Iza? Is everything ok?” ang tanong ko.

At dun na humagulgol ang kausap ko sa telepono..

“Iza got involved in a traffic accident Rob. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sayo ‘to ng maayos. Iza never made it to the hospital. She’s gone Rob. Wala na ‘lil sister ko….”

Hindi ko na maalala ang mga nangyari pa pagkatapos sabihin sa akin ng ate ni Iza na wala na sya. Ang natatandaan ko lang, kinuha ko ang pic nya sa wallet ko at nag-iiyak hanggang madaling araw…

———————————————————————————————————————-

May sampung taon na rin mahigit ang nakalipas ng huling makita ko si Iza… Sa airport.. Bigla kong naalala ang binitawang pangako sa kanya noon…

PUPUNTA KAMI NG AMERIKA AT BUONG ARAW KAMING MAMAMASYAL SA DISNEYLAND….

Isang napakawalang-kwentang plano na hindi ko akalain na magbibigay lungkot sa akin sa tuwing makakakita ako ang mga pics ng Disneyland :worry:

———————————————————————————————————————-

Unang linggo ng oktubre, papunta ng Amerika ang tatay at nanay ko. Dalawang bagay ang bilin ko sa kanila.

Dalawin ang puntod ni Iza sa Oct. 21, ang petsa ng kanyang pagkamatay..

At mamasyal sa Disneyland na bitbit ang naka-frame na litrato naming dalawa ni Iza, sa Oct. 24, ang petsa sana ng aming hindi natuloy na kasal…

———————————————————————————————————————-

Iza, kung nasan ka man.. Hindi pa rin ako nakakalimot sa pangako. Imposible ng gawin ko pa ang binitawan kong salita sayo pero hayaan mo akong gumawa ng paraan para iparamdam man lang na hanggang ngayon, hindi pa rin kita nalilimutan… Hinding hindi kita malilimutan. Salamat sa alaala.. Hanggang sa muling pagkikita…

Possibly Related Posts:



A Z R A E L :  Husband. Father. Son. Expat. DJ. Storyteller. Amateur Photographer. Vermin Exterminator. Bounty Hunter. Asskicker. Pornstar. Hustler. Professional Bullshitter.


Like this post? Subscribe to my RSS feed and get loads more!